DOLE, nagpadala na ng Quick Response Team sa Tanay Rizal
Inatasan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang DOLE Regional Office 4-A na magpadala ng Quick Response Team sa lugar na pinangyarihan ng bus tragedy sa Tanay, Rizal na ikinamatay ng ilang estudyante kabilang na ang driver.
Ayon sa kalihim, inatasan na niya si Region 4-A Director Zenaida Campita na alamin kung may paglabag ang tour company at may-ari ng bus sa occupational safety and health standards.
Sa ilalim ng 2012 department order ng DOLE, inoobliga ang mga transport companies na siguruhin ang public road transport safety sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa kompensasyon ng mga empleyado, working condition at mabuting lagay at competence ng mga ginagamit na bus.
Bukod sa assessment ng sitwasyon, sinabi ni Bello na titiyakin ng Employees Compensation Commission na ang mga kawani ng tour at bus company ay makakatanggap ng tulong at benepisyo.
Nagpahayag din ng pakikidalamhati si Bello sa pamilya ng mga biktima kasabay ng pagtiyak na gagawin ng DOLE ang lahat para makatulong sa biktima ng malagim na insidente.
Ulat ni: Moira Encina