DOLE sosolusyunan ang epekto sakaling maging batas ang P100 wage hike
Hahanapan ng interventions ng Department of Labor and Employment o DOLE ang posibleng epekto ng P 100 legislated daily minimum wage hike na ipinasa ng Senado.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, kabilang sa posibleng interventions ang pagtiyak na manatiling may trabaho ang mga manggagawa sa kabila ng inaasahang epekto ng wage hike sa mga negosyo.
Sa harap ito ng pangamba ni Laguesma na magresulta sa posibleng pagtaas sa presyo ng bilihin at serbisyo ang dagdag singil sa mga manggagawa.
Aminado si Laguesma na magreresulta sa pagtaas ng purchasing power ng manggagawa ang legislated wage increase, maaari itong maka-apekto sa micro at small businesses.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority o P-S-A, nasa apat na milyon ang bilang ng minimum wage earners sa bansa.
Sa ikatlo at huling pagbasa, pinagtibay ng Senado ang P100 legislated wage increase sa minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Pero exempted naman sa isinusulong na panukala ang mga establisimyento na may sampung empleyado pababa, at mga establisimyentong may kapital na tatlong milyong piso pababa.
Sa kasalukuyan, nasa P610 kada araw ang arawang minimum wage sa National Capital Region.