DOLE, tiniyak ang hustisya sa Pinay OFW na hinalay sa Saudi Arabia
Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sisiguruhin nilang mabibigyan ng hustisya ang pinay OFW na ni-rape ng kanyang foreign recruiter at inabuso ng kanyang employer sa Saudi Arabia.
Batay sa ulat, ang nasabing OFW ay hinalay umano ng may-ari ng foreign recruitment agency at minolestya ng isa sa kanyang employer bago sya nairepatriate pabalik sa bansa.
Kaugnay nito, inatasan na ni Bello ang Philippine Overseas Employment Administration at Philippine Overseas Labor Office sa Riyadh na magsagawa ng legal na hakbang laban sa may-ari ng Home Comfort Recruitment Office/Home Comfort Manpower Services na si Meshail Mabrook Al Bassani Al Qahtani at employer na si Abdulaziz Ahlas dahil sa panghahalay at pangmomolestya sa nasabing OFW.
Inatasan rin ni Bello ang POEA na tingnan ang mga posibleng kasong administratibo na maaaring maisampa laban sa local agency na SAMA International Recruitment Agency na hindi umano umaksyon sa reklamo ng nasabing OFW.
Sa kanyang urgent memorandum kay Labor Attache Fidel Macauyag, inatasan ni Bello ang POLO sa Riyadh na makipagtulungan sa mga awtoridad roon para sa pagsasampa ng kaso laban kina Al Qahtani at Ahlas.
Ipinag-utos na rin ni Bello ang suspensyon ng Akreditasyon ng Home Comfort sa POLO.
Madz Moratillo