Donaire, dinaig ni Inoue sa second round para makuha ang WBC bantamweight world title
Tinalo ng unbeaten Japanese boxer na si Naoya Inoue si Nonito “The Filipino Flash” Donaire sa ikalawang round ng kanilang laban, para makuha ang WBC bantamweight world title at mairagdag sa kaniyang WBA at IBF belts.
Si Inoue, na tumalo rin kay Donaire sa 2019 classic, ay pinabagsak ang 39-anyos na beterano sa pagtatapos ng unang round at pinatigil siya ng 1 min, 24 segundo sa pangalawa upang makuha ang record na 23 panalo, na 20 sa mga ito ay knockout .
Ang nakaraang laban nina Inoue at Donaire sa Saitama, sa hilaga ng Tokyo, ay pinagbotohan bilang fight of the year ng Boxing Writers Association of America, kung saan ang Japanese fighter ay nakarekober mula sa isang fractured eye socket at double vision para makuha ang unanimous points win.
Ang mainit na inaabangang rematch sa parehong venue ay naging isang ganap na kakaibang paligsahan, kung saan tinumbasan ni Inoue ang palayaw niyang “Monster” sa pamamagitan ng pagdomina sa beterano ng Pilipinas.
Nagpakawala ng malakas na suntok si Inoue na nagpalambot sa mga paa ni Donaire, bago sinundan ng sunod-sunod na suntok na nagpabagsak sa “Filipino Flash” at kumumbinse sa referee na itigil na ang laban.
Maaari na ngayong targetin ni Inoue na maging undisputed bantamweight world champion matapos kunin ang WBC belt ni Donaire, kung saan ang kasalukuyang WBO title-holder ng Britain na si Paul Butler na lamang ang tanging sagwil sa kaniyang landas.
Una na niyang sinabi na nais niyang maging undisputed champion bago matapos ang taon.
Nakuha ni Butler ang bakanteng WBO title ng dating kampeon na si John Riel Casimero, makaraan niyang talunin si Jonas Sultan sa pamamagitan ng unanimous decision noong Abril.
Si Butler ay iniakyat mula sa interim patungo sa full champion noong isang buwan, nang tuluyan nang bawiin ng WBO kay Casimero ang full title.
© Agence France-Presse