Donaire, itinanghal na PBC Fighter of the Year
Pinangalanan ng Premier Boxing Champions (PBC) ang Pinoy boxer na si Nonito “The Flash” Donaire, bilang Fighter of the Year para sa 2021.
Kasunod ng isang fan voting sa pamamagitan ng kanilang social media channels, dinaig ng 39 anyos na si Donaire sina Stephen Fulton, Gervonta Davis, at David Benavidez.
Matatandaan na ginulat ng “The Flash” ang mundo noong Mayo ng nakalipas na taon, matapos talunin sa pamamagitan ng knockout si Nordine Oubaali, para maging pinakamatandang naghaharing world bantamweight champion.
Ayon sa PBC, nakuha ni Donaire ang 47.6% ng kabuuang boto na isinagawa sa pamamagitan ng Twitter at YouTube.
Matagumpay na naidepensa ni Donaire ang kaniyang WBC bantamweight belt laban sa kapwa Pinoy na si Reymark Gaballo nitong nakalipas na buwan.
Si Donaire ay mayroon na ngayong record na 42-6, kung saan 28 ang knockouts.
Ang PBC na inorganisa ng kilalang boxing manager na si Al Haymon, ay matagumpay na nakapagsagawa ng live boxing events sa national television, kabilang na ang makasaysayang sagupaan nina Donaire at Oubaali.