Dose-dosenang Russian diplomats, pinatalsik ng mga bansa sa EU
Inanunsiyo ng European Union (EU) countries na Belgium, the Netherlands, Ireland at Czech Republic, ang pagpapatalsik sa dose-dosenang Russian diplomats na pinaghihinalaang nag-eespiya.
Sinabi ni Belgian Foreign Minister Sophie Wilmes, na patatalsikin ng kanilang bansa ang 21 diplomats mula sa embahada ng Russia sa Brussels at consulate sa Antwerp, na binibigyan nila ng dalawang linggo para umalis.
Aniya, ang hakbang ay ginawa kasabay ng kalapit na Netherlands, kung saan sinabi ng kanilang foreign ministry na pinatalsik nito ang 17 Russian diplomats na itinuturing na “lihim na aktibo” bilang mga intelligence officer.
Ayon naman sa Foreign Minister ng Ireland na si Simon Coveney . . . “Four ‘senior officials’ from Russia’s embassy in Dublin had been told to leave for engaging in activities ‘not… in accordance with international standards of diplomatic behaviour’ — code for spying.”
Sinabi rin ng Czech foreign ministry na isang diplomat sa Russian embassy sa Prague ang binigyan ng 72 na oras para umalis. Ang naturang diplomat ay ang deputy ambassador ng Russia.
Sa tweet ng Czech foreign ministry . . . “Together with our Allies, we are reducing the Russian intelligence presence in the EU.”
Ayon naman kay Maria Zakharova, Russian foreign ministry spokeswoman . . . “Responses will be provided on the basis of the principle of reciprocity.” Subali’t hindi ito nagbigay ng dagdag pang mga detalye.
Sa hiwalay na pahayag ay tinuligsa ng Russian foreign ministry ang pagpapatalsik sa Russian diplomats mula sa Netherlands, at tinawag ito na isang “unfriendly step” at katunayan na ang Hague ay walang interes na panatilihin ang normal na “diplomatic channels of communication.”
Dagdag pa nito . . . “The Dutch have outdone themselves in their desire to ‘hit’ the Russian embassy in a more painful way.”
Ang pagpapatalsik na inanunsiyo nitong Martes ay karagdagan sa mga hataw ng Kanluran sa Russia kasunod ng pananalakay nito sa Ukraine noong February 24. May mga sanctions nang ipinataw sa Russia na ang karamihan ay mula sa EU at US na lubhang nakaapekto sa ekonomiya nito.
Sa ngayon ay ikinukonsidera ng Russia ang lahat ng EU countries, kasama ang United States at mga kaalyado na kinabibilangan ng Japan, Britain at Australia, bilang “hostile” countries.
Sa mga unang bahagi ng Marso ay 12 Russian diplomats na naka-base sa New York na hinihinala nitong “intelligence operatives,” ang pinatalsik ng Estados Unidos.
Tumugon naman ang Russia nitong nakaraang linggo sa pamamagitan ng pagpapadala sa US ng isang talaan ng American diplomats na idineklara nilang “persona non grata”.
Nitong nakalipas na linggo, 45 Russian diplomats ang pinatalsik ng Poland, isang EU country na katabi ng Ukraine, na nagtulak sa Moscow na akusahan ang Warsaw na nagsisimula ng isang “dangerous escalation”.
Abril noong nakaraang taon, pinatalsik ng Czech Republic ang dose-dosenang mga Russian diplomat at ang Russia ay gumanti sa pamamagitan ng isang “tit-for-tat” move. Dati nang inakusahan ng Prague ang Russian secret services ng pagpapasabog sa isang ammunition depot sa eastern Czech Republic na ikinamatay ng dalawa katao noong 2014.
Halos na-isolate ang Russia sa United Nations General Assembly nitong Marso 2 ngayong taon nang karamihan sa mga bansa o kabuuang 141, ang bumoto na gamitin ang isang non-binding resolution na nagde-demand na itigil na ng Moscow ang panggi-giyera sa Ukraine.
Lima lamang ang mga bansang bumoto kontra sa resolusyon. Ito ay ang Russia, Syria, North Korea, Belarus at Eritrea. Nag-abstain naman ang 35 iba pa kabilang ang China.
Dalawang araw makalipas, noong Marso 4, pinagbotohan sa UN Human Rights Council na magsimula ng isang imbestigasyon sa mga paglabag na nagawa sa giyera sa Ukraine. Tatlompu’t dalawa sa 47 miyembro ng council ang bumoto ng pabor, habang ang Russia at Eritrea lamang ang bumoto kontra rito.
Dalawang linggo na ang nakalilipas, inanunsiyo ng Russia na titiwalag na ito sa isa pang international rights forum, ang Council of Europe – bago pa sabihin ng pan-European body na nakabase sa Strasbourg na patatalsikin na nito ang Russia sa council.