DOT binalewala ang health concerns dala ng muling pagbisita sa bansa ng mas maraming Chinese tourists
Minaliit ni Tourism Secretary Christina Frasco ang health concerns dala ng inaasahang dagsa muli ng Chinese tourists sa bansa matapos na payagan ng Tsina ang outbound group travels sa 20 bansa kabilang sa Pilipinas.
Ito ay sa harap ng muling pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa China.
Sinabi ni Frasco na karaniwan na sa alinmang bansa ang mga sakit o anuman na mga virus gaya ng COVID-19.
Ayon sa kalihim, ang mahalaga ay naipatutupad at nasusunod ang minimum health standards sa bansa.
May nakalatag din aniya ang Pilipinas na protocols para sa mga dumarating na mga dayuhan gaya ng Chinese nationals.
Ipinunto ni Frasco na dapat ay mabalanse ang pagprotekta sa kalusugan ng publiko at ang hanapbuhay upang mabawi ang mga nawala sa kita ng mga Pilipino dahil sa pandemya.
Moira Encina