DOT, inaalam na ang lawak ng pinsala ng lindol sa mga tourist destination sa Northern Luzon
Patuloy ang pangangalap ng Department of Tourism ng mga impormasyon hinggil sa lawak ng pinsala ng magnitude 7 na lindol sa mga tourist destination sa Northern Luzon.
Sa ulat na nakarating sa opisina ni Tourism Secretary Christina Frasco, sa Abra, napinsala ng malakas na lindol ang 2 simbahan na idineklarang “National Cultural Treasure” ng National Museum of the Philippines.
Ilang heritage at ancestral houses din ang napinsala ng lindol.
Sa Ilocos Sur, kabilang sa naapektuhan ang ilang ancestral home na ginawang museum sa Vigan na nagcollapse ang pader at bintana.
Maging ang ilang hotel, heritage at ancestral houses sa Vigan Heritage Village at maging Bantay Bell Tower sa bayan ng Bantay.
Sa Baguio City, ilang hotel ang nakitaan ng minor cracks kaya hindi muna sila tumatanggap ng bisita.
Maging ilang properties ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority sa Ifugao may ilang bahagi ang nagcollapse.
Ayon kay Frasco wala namang naiulat na turista ang nasaktan sa nangyaring lindol pero pinapayuhan nya ang mga may planong magpunta sa Northern Luzon na magdoble ingat.
Tiniyak rin ni Frasco na pinag-aaralan na nila ang mga tulong na pwedeng ibigay sa mga naapektuhang cultural site at tourist destinations.
Madelyn Villar-Moratillo