DOT, nagpalabas ng paalala bilang pag-iingat sa covid-19
Kasabay ng unti unti naring pagbukas ng mga sports tourism activities, naglabas ngayon ng paalala ang Department of Tourism o DOT upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa gitna parin ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Para sa mga divers nagpaalala ang DOT na dapat magdala ng sariling gamit at gumamit ng defog solution para sa mask.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, prayoridad parin nila ang kaligtasan ng lahat sa kabila ng pagbubukas ng diving and sports tourism.
Nabatid na ang guidelines para sa operasyon ng dive establishments sa bansa ay binuo ng Philippine Commission on Sports Scuba Diving matapos payagan ng Inter-Agency Task Force for Management of Emerging Infectious Diseases diving activities sa mga lugar na nasa General Community Quarantine.
Batay sa Memorandum Circular na dapat may dalang sariling scuba gear at equipment box ang mga diver.
Pinaalalahanan din ang mga ito na palaging gumamit ng hand disinfectants at maghugas ng kamay, tiyakin ang physical distancing at magsuot ng protective face masks kung hindi magda-dive.
Ang mga dive establishments naman kailangang maglaan ng defog solution sa mga guest para sa kanilang dive masks.
Nagpaalala rin ang DOT na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdura o paggamit ng laway bilang defogger.
Kahit nasa dive boats, ang mga boat crew at pasahero ay dapat na magsuot ng face masks at obserbahan ang physical distancing.
Ang mga dive boats ay dapat ding matiyak na nadidisinfect bago at pagkatapos gamitin.
Binalaan naman ang mga lalabag sa guidelines na ito na mapapatawan ng multa at parusa kabilang ang pagbawi sa PCSSD accreditation ng establisyimento.
Ang Pilipinas ay kinilala bilang Best Overseas Diving Area (overseas category) ng Marine Diving Awards 2020 sa Tokyo.
Nakatanggap rin ang bansa ng nominasyon bilang Leading Dive Destination in Asia at World’s Leading Dive Destination sa 27th World Travel Awards.
Madz Moratillo