DOT nilinaw na hindi bagong tourism slogan ng bansa ang “We Give The World Our Best” ad na nakita sa London
Inisyatiba ni Office of the Presidential Adviser for Creative Communications Secretary Paul Soriano ang “We Give the World our Best” branding campaign na nakita sa United Kingdom.
Ito ang sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco sa harap ng iba’t ibang reaksyon at katanungan kung ang nasabing ad ang bagong tourism slogan ng Pilipinas.
Nilinaw ni Frasco na ang “We Give the World our Best” ay hindi ang bagong tourism branding ng Pilipinas.
Layon aniya ng nasabing country branding campaign mula sa Malacañang na kilalanin ang Pinoy workers sa ibang bansa.
Ayon sa kalihim, ilalabas ng DOT ang tourism brand nito pagkatapos na makonsulta ang tourism stakeholders.
Sinabi pa ni Frasco na pagagandahin ang kasalukuyang “It’s More Fun in the Philippines” na branding at ia-align ito sa country branding campaign na “We Give the World Our Best.”
Ipinagtanggol din ng kalihim ang nasabing ad dahil ito naman ay totoo o “statement of fact” dahil binibigay naman talaga ng Pinoy workers ang best ng mga ito sa kanilang trabaho.
Moira Encina