DOT pinuri si PBBM sa pagbibigay ng prayoridad sa turismo sa unang 100 araw nito sa puwesto
Isa raw sa pinakamalaking nagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang 100 araw nito sa posisyon ay ang pagpapabatid sa buong mundo na handa at bukas na muli ang Pilipinas sa negosyo at turismo.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, napakarami nang nagawa ni Pangulong Marcos sa unang 100 araw nito bilang punong ehekutibo partikular na ang pagpapasigla muli sa ekonomiya.
Kaugnay nito, ipinagpasalamat ni Frasco na isa ang turismo sa mga priority agenda ni Pangulong Marcos para sumulong muli ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ito ay lalo na’t ang turismo aniya ay dating nakakapag-ambag ng mahigit 12% sa gross domestic product ng bansa o P2.5 trillion.
Ang suporta aniya ni Pangulong Marcos na ibinibigay sa tourism industry ang isa sa mga dahilan kaya malalagpasan na ng Pilipinas ang 1.7 million tourist arrivals na target ng Department of Tourism sa pagtatapos ng taon.
Pero aminado si Frasco na mababa pa rin ang tourist arrivals sa Pilipinas kumpara sa mga kapitbahay nito sa Asya.
Isa sa mga rason aniya ay ang maliit na pondo na inilalaan ng pamahalaan sa turismo.
Umaasa naman si Frasco na mabibigyan ng mas malaking budget ang DOT sa mga susunod na taon gayong ang turismo ang prayoridad ni President Marcos.
Moira Encina