DOT tiniyak na gagawing tourism powerhouse sa Asya ang Pilipinas
Nagpasalamat ang Department of Tourism (DOT) kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa pagbanggit nito sa kaniyang SONA ukol sa turismo bilang isa sa mga core programs ng gobyerno para sa pagpapaunlad sa ekonomiya.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, ang pahayag ni PBBM ukol sa turismo ay magbibigay ng pag-asa sa lahat ng tourism stakeholders na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Ikinatuwa rin ng kalihim na napakalinaw ng vision ng pangulo para mapalakas ang pundasyon ng industriya ng turismo.
Dahil aniya sa pagsulong mismo ng presidente sa pagpapatatag sa turismo, tiniyak ni Frasco na sa tulong ng LGUs, private stakeholders, industry players at mga Pilipino ay itutulak ng DOT ang Pilipinas para maging tourism powerhouse sa Asya.
Papataasin aniya ng DOT ang kasulukuyang global standing ng Pilipinas at lalagpasan ang bilang ng tourist arrivals.
Sinabi ni Frasco na para makamit ang direktiba ni PBBM ay itutuloy ng DOT ang multi-dimensional at shared tourism governance approach sa mga plano at programa ng kagawaran.
Moira Encina