DOTr nagpaalala sa mandatory face mask wearing sa loob ng PUVs
Higit na pinaigting ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon ng mandatory face masking sa loob ng mga pampublikong sasakyan.
Ginawa ng DOTr ang hakbang sa harap ng tumataas na namang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang mandatory na pagsusuot ng facemask sa loob ng pampublikong sasakyan ay alinsunod sa kautusan ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Bagama’t ginawang optional ang pagsusuot ng facemask sa pampublikong lugar, mahigpit naman itong ipinaiiral sa loob ng lahat ng uri ng pampublikong sasakyan.
“Yung paggamit ng facemask, mandatory sa loob ng public utility vehicles (PUV) sa train, sa barko, sa eroplano, yung sa labas nito ay optional. Kung halimbawa nasa bldg., sa loob ng airport optional, alinsunod s autos ng IATF, nagkaroon ng meeting, nagkaroon ng clarification, ang mandatory ay sa loob ng PUV, sa labas ay optional,” paliwanag ni Sec. Bautista.
Una rito, nagpa-alala si Transportation Assistant Secretary for rails Jorjette Aquino sa mga pasahero na required magsuot ng facemasks sa loob ng mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Light Rail Transit Lines 1 at 2 (LRT-1 at LRT-2) at sa Philippine National Railways (PNR).
Sa statement, sinabi ni Aquino ang babala ng mga medical professionals sa patuloy na panganib ng COVID-19 transmission sa mga tren dahil kabilang ito sa enclosed spaces.
Mahigpit ding ipapa-iral ang mandatory face masking sa loob ng mga istasyon ng MRT at LRT maliban sa PNR stations dahil open space naman ang mga ito.
Sakaling walang suot na facemask ang pasahero, sinabi ni Bautista na hindi pasasakayin ang mga pasahero.
Sa mga airport, libre aniyang nagbibigay ng facemask ang mga airliners.
“Ang nangyari sa eroplano, nagbibigay ang airlines ng mga facemasks, sa mga bus, meron din silang pwedeng ibigay, yung iba kailangang bumili,” dagdag ni Bautista.
Binilinan ang mga security sa mga trains stations na mahigpit na ipatupad ang kautusan.
Ang facemask wearing ay bahagi ng “seven commandments” ng DOTr laban sa COVID-19 transmission.
Kabilang sa mga protocols na ito ang pagbabawal na magsalita o tumawag sa telepono ang pasahero, gayundin kumain o uminom sa loob ng tren; ventilation at regular disinfection sa loob ng tren sa lahat ng pagkakataon; pagbabawal na sumakay ang pasahero na may COVID-19 symptoms gaya ng mataas na temperature, at pag-obserba sa physical distancing kung maaari.
Weng dela Fuente