DOTr Sec. Jaime Bautista naghain ng cyber libel complaints laban kay MANIBELA Chair Mar Valbuena at sa isang journalist
Nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si Transportation Secretary Jaime Bautista para sampahan ng mga reklamo ang ilang indibiduwal na nag-akusa sa kaniya ng kurapsyon.
Pangunahin sa sinampahan ni Bautista ng reklamong cyber libel si MANIBELA Chairperson Mar Valbuena.
“Marami silang accusations na ako daw ay tumanggap ng pera, suhol which hindi naman totoo kaya gusto ko lang protektahan ang aking pangalan na aking inalagaan ko almost 45 years.” pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista
Kasama rin sa inireklamo ang dating journalist na si Ira Panganiban dahil din sa social media post nito na deleted na ngayon.
“Sinasabi niya nilabas niya sa Facebook account niya na ang DOTr daw ay may claim na sinasabi na ako raw ay involved sa katiwalian, tumanggap daw ako ng mga pera.” dagdag pa ni Bautista
Sa isang Facebook Live kamakailan, minura at hinamon ng transport group leader ang Kalihim at iginiit niyang hindi siya natatakot kahit sampahan nito siya ng kaso.
“Kahit magkita tayo ng personal, magkita tayo sa korte. Gusto mo sabay tayo sa kulungan magpakulong tayo tingnan mo kung sino tatagak sa ating dalawa . Handa kitang harapin kahit saan. Gusto mo magpapasagasa ako sa landcruiser mo saka dun sa bagong fortuner mo. Ikaw sasagasaan ka namin ng jeep namin gusto mo ba” galit na pahayag ni Manibela Chair Mar Valbuena
Sa hiwalay na mensahe sa media, tinawag na harassment ni Valbuena ang cyber libel complaint at tiniyak na haharap siya sa imbestigasyon ng DOJ.
“Purely harassment and abuse of power and authority. Mag-a-attend po ako at wala pong dahilan para tumigil hanggat di lumalabas ang katotohanan.” sunod na pahayag ni Valbuena
Ayon naman sa respondent na si Panganiban, wala siyang ideya sa inihaing reklamo dahil iniuulat lang niya ang mga balita gaya ng iba.
“I have no idea what this is all about. I have simple been reporting the news just like everyone else.” pahayag naman ni dating journalist Ira Panganiban
Itinanggi naman ni Bautista ang mga alegasyon ng kurapsyon at tinawag niyang iresponsable si Valbuena.
Sinabi rin ng kalihim na hindi niya kakilala ang sinasabing whistleblower na si dating LTFRB official Jefferson Tumbado.
“Tumawag siya sa akin at sinabi niyang wala daw siyang statement na ako’y may involvement dito sa katiwalian na ito. Iyon ang itinawag niya sa akin.”paliwanag pa ni Bautista
Samantala, ipinauubaya naman ni Bautista sa NBI ang pag-iimbestiga sa mga alegasyon ni Tumbado kay suspended LTFRB Chair Teofilo Guadiz III.
May inisyal na report na rin aniya ang DOTr sa isinagawa nilang internal investigation kina Guadiz at Tumbado at isinumite na nila ito sa Office of the President.
Target naman nilang matapos ang internal probe ngayong Oktubre.
“Ayaw din naming kami lang kasi may mga claim na kapag DOTr daw ang mag-iimbestiga magkakaroon ng whitewash kaya nananawagan ako sa NBI na sana tulungan kami. I officially wrote to Director De Lemos to conduct an investigation at ito nga ay on going” pagtatapos na paliwanag ng Kalihim
Moira Encina