DPWH, inatasang magsagawa ng structural assessment sa gusali ng PAGASA sa Caraga na tinamaan ng lindol
Inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na magsagawa ng isang structural assessment sa gusali ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Agusan del Sur, na pininsala kamakailan ng lindol sa Caraga.
Sa ibinigay na direktiba kay Public Works Secretary Manuel Bonoan sa isang situation briefing sa epekto ng trough ng low pressure area sa Caraga, ay sinabi ng pangulo na nasa gusali ang isang Doppler radar, na aniya’y “napakahalaga” para sa forecasting.
Ayon sa Pangulo, “Para at least may warnings tayo when these things happen. Mayroon tayong warning na may parating na heavy rains, low pressure area.”
Inatasan ng Pangulo si Bonoan na makipag-ugnayan sa local government unit.
Aniya, “The forecast has become more and more important. Forecasting has become even more important than it always was, that’s why tama ‘yung concern na kailangang mayroon tayo – kung mayroon talagang Doppler radar dun ginagamit for the forecasting that should be operational.”
Si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang unang nagbanggit tungkol sa estado ng PAGASA building kasunod ng malakas na lindol na tumama sa rehiyon.
Kinailangang agad na mag-isyu ng isang tsunami warning ang state seismologists, pagkatapos na pagkatapos ng 7.4-magnitude na lindol na tumama noong Disyembre ng nakalipas na taon.