DPWH, inoobligang magpagawa ng mga Bike, PWD at Pedestrian Lanes sa mga lansangan at tulay
Inoobliga ng Senado ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpagawa ng mga Bike lanes, Person with Disabilities (PWD) at Pedestrian Lanes sa mga bago at aayusing lansangan at tulay.
Ayon kay Senador Sonny Angara, Chairman ng Senate Committee on Finance, ginawan ito ng special provision sa panukalang Pambansang Budget para sa taong 2021 na inaprubahan ng Senado.
Pagpapatuloy aniya ito ng probisyon ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na nag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na hikayatin ang lahat sa nasabing paraan ng transportasyon, kabilang na ang walking at biking.
Sa mga unang buwan ng pagpapatupad ng Community Quarantine, nahikayat sa paglalakad at pagbibisikleta ang mga tao dahil ipinagbawal ang Public Transportation, maluwag ang lansangan at mababa ang antas ng polusyon.
Sinabi ni Angara na naglaan naman ng special provision sa panukalang budget na nag-aatas sa Department of Transportation (DOTr) na tiyakin sa lahat ng Public Transportation Terminal na may maiinom na tubig, hugasan ng kamay, alcohol at iba pang gamit para sa hygiene.
Meanne Corvera