Dr. Deocaris, host ng Radyo Agila DZEC, ginawaran ng Career Scientist Rank 1
Iginawad ng Scientific Career System kay Dr. Custer Deocaris, ang Career Scientist Rank 1 matapos na maipasa nito at matugunan ang mga requirements na hinihingi ng Scientific Career Council.
Si Deocaris ay kasalukuyang Senior Research Specialist sa DOST- Philippine Nuclear Research Institute o PNRI.
Maraming naiambag si Deocaris sa larangan ng Agham at Teknolohiya sa pamamagitan ng kanyang mga pananaliksik.
Ilan sa kanyang research work ay nauukol sa “Molecular Understanding of the Role of Mortalin/mtHsp70 in Manipulating Aging and Immortalization.”
Pinangunahan din niya ang grupo ng Zoonotic Disease Integrated Action (ZODIAC), isang International Atomic Energy Agency (IAEA) program na naglalayong maitatag sa Member States nito ang isang international pathogen surveillance network at decision making support upang mahadlangan ang mga future pandemics tulad ng COVID-19.
Bilang dating Research Chief ng Commission on Higher Education o CHED, kanyang pinangangasiwaan ang malalaking Research and Development Grants.
Katuwang din siya sa pagpapaunlad ng National Research and Development Policies, at nag oorganisa din siya ng capacity-building programs sa buong bansa na naglalayong masuportahan ang kahusayan ng pananaliksik.
Bilang environmental activist at board member ng BAN TOXICS, isang non government organization, nakapag ambag siya ng mga solusyon sa mga suliraning ecological, child labor at toxic chemical issues sa mga mahihirap na komunidad na nasa pagmimina.
Noong 2012, itinatag niya ang Luntiang Lunes Movement, sa pakikipag-partner sa Global Meatless Monday campaign ng John Hopkins University upang itaas ang awareness tungkol sa Planetary Health Diet sa Pilipinas.
Naitampok ang kanilang campaign sa ibat ibang kilalang TV at Radio Programs at pahayagan kabilang dito ang Huffington Post.
Si Deocaris ang main anchor/host ng programang Pinoy Scientist na maririnig sa DZEC Radyo Agila 1062 khz tuwing Linggo, alas 5:00 ng hapon hanggang alas 6:00 ng gabi.
Belle Surara