Dr. Leachon, nagsampa ng kaso sa NBI vs gumagamit ng kaniyang pangalan bilang endorser ng fake drugs
Pormal nang nagsampa ng kasong identity theft na nakapaloob sa Cybercrime Prevention Act sa National Bureau of Investigation (NBI) Anti Organized and Transactional Crime Division na pinamumunuan ni Atty. Gerome Bomediano si Dr. Tony Leachon, Special Adviser for Non Communicable Diseases ng Department of Health ( DOH) laban sa mga gumagamit ng kaniyang pangalan bilang endorser ng mga gamot na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration ( FDA).
Sinabi ni Dr. Leachon na inatasan siya ni DOH Secretary Ted Herbosa na magsampa na ng kaukulang kaso dahil bukod sa nakukompromiso ang kredibilidad ng DOH ay nalalagay pa sa panganib ang kalusugan ng publiko na napapaniwala sa mga gamot na ina-advertise sa social media.
Ayon kay Leachon, nakipag-ugnayan na rin siya kay FDA Director Samuel Zacate para tumulong sa NBI at maisagawa ang entrapment operations upang matigil na ang panloloko ng mga nasa likod ng paggamit ng mga kilalang tao sa advertisement ng mga hindi rehistradong gamot.
Inihayag ni Leachon sa Senado ay naghain na ng resolusyon si Senador Jinggoy Estrada para magsagawa ng imbestigasyon sa modus ng mga gumamit ng pangalan ng mga kilalang personalidad bilang endorsers ng mga pekeng gamot.
Vic Somintac