Drone technology, malaking tulong sa pagsasaka
Level up na ang ilan sa mga magsasaka sa ating bansa dahil sa ibat-ibat teknolohiya na kanilang ginagamit upang mapaunlad at mapasulong ang kanilang pagsasaka.
Sinabi ni Engr. Ted Eleda, Presidente ng Philippine Society for Agricultural and Biosystem Engineers o PSABE, na malaking tulong sa mga magsasaka ang mga bagong tuklas na teknolohiya para pataasin ang kanilag ani at kita.
Kabilang sa technology na ginagamit na ngayon sa larangan ng agrikultura ay ang DRONE TECHNOLOGY.
Kwento ni Eleda, isa sa mga hakbang na ginawa ng Department of Agricuture – Bicol Region upang epektibong makontrol ang Green Leaf Hoppers na nagiging sanhi ng Rice Tungo Virus Incidence sa apat na bayan sa Albay ay ang paggamit ng Agricultural Drone Sprayer o ang Unmanned Aerial Vehicle o UAV sa pag spray ng insecticides sa mga apektadong palayan.
Pinag aaralan na rin aniya sa ngayon ang paggamit ng UAV para sa agricultural research at crops production.
Kaya rin ng drone na magsabog ng abono at magpunla ng palay.
Sa ganitong paraan, mapabibilis ang trabaho ng magsasaka at maiingatan ang kanilang kalusugan dahil hindi na kailanganghawakan ang fertilizer upang isabog sa palayan,
Sa pamamagitan din ng drone ay madaling makita ang bukid na may mga bagong tanim at ang mga maaari nang anihin.
Kaya din ng drone na matukoy kung kulang sa pataba o patubig ang pananim at kung ito ba ay naapektuhan na ng insekto.
Ginagamit din ang drone upang ma-detect agad ang sakit ng palay. Sa ganitong paraan, mapag-aaralan at mabibigyan agad ito ng kaukulang lunas.
Bukod sa Drone Technology, binanggit din ni Eleda ang tinatawag na Smart Technology na kinapapalooban ng remote sensing, automation, robotics and designing.
Isa pang technology na ginagamit ng mga magsasaka para mapabilis ang kanilang trabaho ay ang rice-combine-harvester.
Kung noong araw ay manual ang paggapas ng palay, pero dahil sa nasabing makinarya na gamit ang teknolohiya, pagka ani ng palay ay maaari na itong idiretso sa sako.
Kailangan aniyang maging open minded ang mga magsasaka sa mga makabagong teknolohiya na inihahain ng gobyerno upang makasabay ang Pilipinas sa pagunlad sa larangan ng agrikultura.
Tunay nga na napakalaking tulong ang ibat ibang teknolohiya na ginagamit sa pagsasaka para sa ganoon ay makatipid sa oras, mapabilis ang trabaho, mapalaki ang kita at maingatan ang kalusugan ng mga magsasakang nagkakakaedad na.
Lagi nating tandaan, kung wala ang magsasaka, ang sambayanan ay wala ring ihahain sa hapag kainan.