DSWD at Tabuk city government, namahagi ng tulong sa mga nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod
Noong nakaraang linggo ay idineklara ang 14 day lockdown na nagsimula noong Feb. 20, 2021, sa Brgy. Malin awa at Brgy. Balawag na sakop ng lungsod ng Tabuk.
Batay sa inilabas na Executive Order no. 11 ni Mayor Darwin Estrañero, ang dahilan ng pagdedeklara ng lockdown sa mga nabanggit na barangay, ay ang mataas na bilang ng mga nakumpirmang nagpositibo sa COVID-19.
Kaugnay nito, isinagawa rin sa mga nasabing barangay ang Expanded Aggressive Community Testing o ACT, para ma-swab test ang mga residente lalo na ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa sakit.
Pinangunahan ng Tabuk City Government Office of the Civil Defense at Social Welfare and Dev’t o DSWD, ang pagkakaloob ng tulong- suporta gaya ng food packs at iba pang relief packs para sa mga nagpositibo sa sakit.
Ang ayuda ay ibinigay sa mga opisyales ng dalawang barangay, at sa kanila na ipinagkatiwala ang pamamahagi nito sa mga kinauukulan.
Ulat ni Xian Renzo Alejandro