DSWD , inatasan ni Pangulong Duterte na mamahagi ng trapal o tolda sa mga nawalan ng bahay sa pananalasa ng bagyong odette
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Social Welfare and Development o DSWD na bumili ng trapal o tolda para ipamahagi sa mga nawalan ng masisilungang bahay dahil sa pananalasa ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Ginawa ng Pangulo ang kautusan sa kanyang regular weekly Talk to the People.
Sinabi ng Pangulo na pansamantalang pagtiyagaan muna ng mga nawalan ng bahay ang trapal para may proteksyon sa init at lamig ng panahon ganun din kapag umulan.
Ayon sa Pangulo habang inihahanda ang mga materyales mula sa pamahalaan na gagamitin sa pagtatayo ng mga nasirang bahay kailangan may pansamantalang masisilungan ang mga biktima ng bagyong Odette.
Inihayag ng Pangulo gumagawa ng paraan ang Department of Human Settlements and Urban Development upang mapabilis ang pagtatayo ng mga nasirang bahay ganun din ang relokasyon ng mga totally damage na kabahayan na nasa danger area partikular ang mga nakatira malapit sa dalampasigan ng dagat na tinamaan ng storm surge.
Nais din ng Pangulo na gamitin ang mga natumbang puno ng niyog sa mga sinalanta ng bagyong Odette para gawing coco lumber at ipamahagi sa mga residenteng nasira ang kabahayan.
Vic Somintac