DSWD, itinangging may kinalaman sa paggamit ng AICS sa pangangalap ng pirma
Mariing pinabulaanan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na may kinalaman ang ahensiya sa paggamit ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS sa pangangalap ng pirma para sa Charter change o Chacha sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Sinabi ni DSWD Spokesman Assistant Secretary Romel Lopez na walang social workers na nagbigay ng cash assistance sa mga pumirma sa People’s Initiative.
Ayon kay Lopez ang mga initiator ng People’s Initiative na nangangalap ng pirma ang nangako na makakatanggap ng AICS ng DSWD ang pipirma para sa People’s Initiative.
Inihayag ni Lopez na nagsasagawa na ng Internal investigation sa atas ni DSWD Secretary Rex Gatchalian para malaman kung mayroong mga opisyal at tauhan ng ahensiya na sinasabing sangkot sa pamamahagi ng AICS sa mga pumirma para sa People’s Initiative.
Sa imbestigasyon ng Senado naglabas ng video footages si Senador Imee Marcos na tumanggap ng pera ang mga pumirma para sa People’s Initiative gamit ang pondo ng AICS ng DSWD.
Samantala niliwanag ni Lopez na walang kinalaman sa People’s Initiative ang pamamahagi ng AICS sa kick off rally ng bagong pilipinas na pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos sa Quirino Grandstand noong linggo batay sa akusasyon ni Senador Rissa Hontiveros sa kaniyang privilege speech sa plenaryo ng Senado.
Iginiit ni Lopez na ang pamamahagi ng AICS sa bagong pilipinas lauching ay bahagi ng serbisyo caravan ng National government na ang mga recipient ay mga naging biktima ng sunog sa Metro manila at hindi ang mga sinasabing pumirma para sa People’s initiative.
Vic Somintac