DSWD, naglaan ng P500-M cash aid para sa indigent students pantulong sa mga gugulin sa pagbubukas ng klase
Inanunsiyo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo, ang plano ng kagawaran na mamahagi ng P500 million budgeted educational assistance program para sa mga mag-aaral na nabibilang sa indigent families sa buong bansa.
Ang alokasyon ng pondo ay limitado sa tatlong estudyante kada pamilya.
Ang DSWD ay mamamahagi ng P1,000 sa bawat elementary student, P2,000 para sa junior high school student, P3,000 para sa senior high school student, at P4,000 bawat college student.
Layunin ng cash assistance na tulungan ang mga mahihirap o indigent Filipino families sa kanilang gugulin ngayong school opening.
Ang distribusyon ay magsisimula sa Sabado, Agosto 20, at pagkatapos ay gagawin na tuwing Sabado hanggang sa September 24.
Ang mga nagnanais mag-avail ng cash assistance ay kailangang magpakita ng current valid school ID o ng kanilang enrollment certificate.
Ayon kay Tulfo, hindi na kailangang magprisinta ng isang certificate of indigency mula sa barangay banggit ang mga naunang report na kaniyang natanggap na hindi naman iyon mapagkakatiwalaan.
Aniya, may mga pagkakataon na ibinibigay ito ng mga opisyal ng barangay sa ilang residenteng kanilang pinapaboran, at napu-pulitika.