DTI at FDA nag-ikot sa mga tindahan ng school supplies sa Divisoria; DTI tiniyak na may sapat na suplay ng papel at iba pang gamit
Aabot sa 23 tindahan ng mga school supplies sa Divisoria sa Maynila ang ininspeksyon ng Department of Trade and Industty (DTI) ilang araw bago ang muling pagbubukas ng mga klase.
Ayon sa DTI, layon nito na masuri ang mga suplay at presyo ng mga gamit sa eskuwelahan gaya ng mga lapis, papel, ballpen, notebooks, at crayola ilang araw bago ang pagbubukas ng klase.
Karamihan sa mga pinuntahan ng DTI ay mga maliliit na tindahan sa Divisoria na 19 at may tatlong retail stores.
Sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual na batay sa kanilang pag-inspeksyon ay nakapaloob naman sa gabay sa mamimili ng DTI sa school supplies ang mga presyo ng mga paninda.
Kabilang din sa sinuri ng DTI ang presyo ng school supplies sa isang malaking school supply store sa isang mall sa may Divisoria.
Tugma naman rin aniya ang mga presyo ng school supplies ng kilalang retailer sa price list ng departamento.
Nilinaw din ng kalihim na walang kakulangan ng suplay ng papel at iba pang gamit batay na rin sa pagtatanong nila sa malaking retail store.
Taliwas naman ito sa pahayag ng mga tindera sa mga maliliit na stalls sa Divisoria na tumaas ang presyo ng mga notebooks at papel na kanilang tinitinda dahil sa kulang sa suplay.
Ayon sa isang tindera, doble ang itinaas ng presyo ng notebooks at crayola bunsod ng kaunting stocks.
Batay sa price list guide ng DTI, ang presyo ng mga notebook na pinakamura ay P23 habang ang pinakamahal ay P52 pesos depende sa uri at brand.
Ang pad papers naman na pang- Grade 1 at Intermediate na 80 leaves ay dapat na may presyong P21 hanggang P61.
Ang lapis naman kada piraso ay dapat na P11 hanggang P17 habang ang isang ballpen ay nasa P9 hanggang P19.
Sa crayons naman ang pinakamura ay P12 at ang pinakamahal ay P95 depende sa brand at piraso.
Samantala, kasama rin ng DTI sa pag-ikot sa school supply stores ang Food and Drug Administration (FDA) para masiguro ang kalidad at kaligtasan ng mga gamit sa paaralan.
Ayon kay FDA NCR Regional Director Arnold Alindada, kumuha sila ng mga sample ng ilang produkto partikular ang ilang “suspicious” na school supplies gaya ng crayola at lapis.
Susuriin aniya ito sa laboratoryo ng FDA para malaman kung may heavy metal content na mapanganib sa kalusugan ng mga tao lalo na sa mga bata.
Makikita naman aniya sa website ng FDA ang listahan ng mga produkto ng school supplies na hindi ligtas gamitin.
Moira Encina