Dubai airport nag-divert ng flights dahil sa pagtama ng ‘exceptional weather’ sa Gulf
Nag-divert ng maraming flights ang major international airport sa Dubai sanhi ng nararanasang malakas na mga pag-ulan sa United Arab Emirates (UAE), na nagdulot na ng malawakang mga pagbaha sa paligid ng bansa.
Ang Dubai ay naparalisa ng malalakas na mga pag-ulan na nagresulta sa mga pagbaha sa buong UAE at Bahrain, at nag-iwan ng 18 kataong patay sa Oman noong Linggo at Lunes.
Nasuspinde ng 25 minuto ang operasyon sa Dubai airport bago muling nagpatuloy nitong Martes ng hapon.
Tuloy naman ang departure flights pagdating ng gabi ngunit nagkaroon ng mga delay at kanselasyon. Lubha ring binaha ang access roads patungo sa paliparan.
Ganito rin ang naranasan sa magkabilang bahagi ng Dubai at sa iba pang lugar sa UAE.
Una nang nagbabala kapwa ang Oman at UAE, na naging host ng COP28 UN climate talks noong nakaraang taon, na malamang na magdulot ng maraming mga pagbaha ang global warming.
Sinabi ni Friederike Otto ng Grantham Institute for Climate Change sa Imperial Collee London, isang lider sa pag-assess sa papel ng climate change sa extreme weather events, “It was likely that global warming played a part. It is highly likely that the deadly and destructive rain in Oman and Dubai was made heavier by human-caused climate change.”
Kapwa rin dumanas ng pagbaha ang Dubai Mall at Mall of the Emirates, habang umabot naman hanggang sa bukong-bukong ang baha sa isa sa Dubai Metro station, ayon sa mga larawang ipinost sa socia media.
Ilang kalsada ang nasira, matindi ang pagbaha sa residential communities at maraming tahanan ang nag-ulat na nakaranas ng tulo sa kanilang bubungan, mga pintuan at mga bintana.
Isinara rin ang mga paaralan sa buong UAE at inaasahang mananatiling sarado hanggang ngayong Miyerkoles, dahil sa tinatayang dagdag pang mga pag-ulan.
Pinalawig din ng gobyerno ng Dubai ang pagpapatupad ng remote working para sa kanilang mga empleyado hanggang ngayong araw.
May ilang inland areas sa UAE na nakapagtala ng mahigit sa 80 millimetres (3.2 inches) ng ulan sa nakalipas na 24-oras hanggang kaninang alas-8:00 ng umaga, halos malapit na sa annual average na nasa 100mm.
Ipinagpaliban din ng 24 na oras ang Asian Champions League football semi-final sa pagitan ng Al Ain ng UAE at Al Hilal ng Saudi, dahil sa masamang panahon.
Roads were flooded around Bahrain / Mazen Mahdi / AFP
Ang Bahrain naman na nasa hilagang-kanluran ng UAE ay tinamaan din ng malakas na mga pag-ulan at pagbaha, pagkatapos ng magdamag na pagkulog at pagkidlat.
Ang mga bagyo ay bumaba sa UAE, Bahrain at ilang bahagi ng Qatar makaraang manalasa sa Oman, kung saan nagdulot ito ng grabeng baha at nag-iwan ng dose-dosenang standed.
Nitong Martes ay isang bangkay ng bata ang narekober, kaya umakyat na sa 18 ang namatay at dalawang iba pa ang nawawala, ayon sa emergency authorities.
Siyam na schoolchildren at tatlong adults din ang namatay nang tangayin ng rumaragasang baha ang kanilang sasakyan noong Linggo.