Dump truck nang-araro ng mga nakapila sa pagkuha ng ayuda
Siyam katao ang nasaktan nang araruhin ng dump truck ang mga nakapila para kumuha ng ayuda, sa San Jose del Monte (SJDM) City sa Bulacan.
Lumitaw sa paunang imbestigasyon, na habang binabagtas ng driver ng truck ang kalsada patungo sa Brgy. Dulong Bayan at makarating sa lugar ng aksidente, ay inatake ito sa puso kayat nawalan ng kontrol sa minamanehong truck, na may plakang D1S836 na pagmamay-ari ng City Government ng SJDM, Bulacan.
Ang driver na nakilalang si Herminio Gerona Avendano, 57-anyos at residente ng Begy. Graceville, SJDM ay dinala sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Lima sa siyam na biktima na dinala rin sa pagamutan ay nakilala namang sina Ronilo Seles, Mario Lopez, Analyn Tomlis, Mary Rose Maningas, at Cecilia Malayo na pawang mga residente rin ng Brgy. graceville, kung saan dalawa sa mga ito ang nagtamo ng fracture dahil nabagsakan ng tent.
Ayon sa pinuno ng City Traffic Management-Sidewalk Clearing Operations Group, Director Roberto Esquivel, tiniyak ni SJDM Mayor Athur Robes na sasagutin lahat ng lokal na pamahalaan ang gastos ng mga nasugatan at nasawi sa aksidente.
Ulat ni Cez Rodil