Dunn ng Utah at Smith ng Houston, pinatawan ng ban ng NBA
Sinuspinde ng NBA ng dalawang games ang Utah Jazz guard na si Kris Dunn, habang isang game naman ang Houston forward na si Jabari Smith, Jr., dahil sa pag-aaway.
Nangyari ito limang segundo na lamang ang nalalabi sa ikalawang quarter ng laban ng Houston at Utah noong Sabado, kung saan nagwagi ang Houston sa score na 147-119.
Si Dunn ay sinuspinde dahil sa pagsisimula ng gulo nang suntukin niya si Smith.
Ang dalawang manlalaro ay inisyuhan ng technical fouls at pinaalis sa laro.
Sisimulan ng 30-anyos na si Dunn, na nasa kaniya nang 8th NBA season ang kaniyang suspensiyon ngayong Lunes kapag nagharap ang Jazz at Dallas at hindi rin siya makapaglalaro sa home game laban sa San Antonio sa Miyerkoles.
Magsisimula naman ang suspensiyon ng 20-anyos na si Smith Jr., anak ng isang dating forward na naglaro ng limang NBA seasons, ngayon ding Lunes kapag nagharap ang Rockets at ang Portland.
Si Smith ay may average na 13.3 points at 8.5 rebounds a game para sa Houston, na sa record na 35-35 ay 1.5 games behind sa Golden State para sa final Western Conference play-in spot.
Si Dunn naman ay may average na 5.3 points, 3.9 assists at 2.8 rebounds a game para sa Jazz, na sa record na 29-42 ay eight games behind naman sa 10th-place na Golden State.