Duterte nakatakdang mag-isyu ng EO na nagpapahintulot para sa emergency use ng COVID vaccines
Nakatakdang mag-siyu ng isang executive order (EO) si Pangulong Rodrigo Duterte, na magpapahintulot sa “emergency use authorization” ng COVID-19 vaccines sa bansa, kung ang mga ito ay napatunayanng ligtas at mabisa sa clinical trials, maging sa iba pang mga bansa.
Sa pamamagitan ng isang emergency use authorization, ang mga bakuna ay maaari nang gamitin sa loob ng 21 araw, matapos aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).
Pumayag din ang pangulo na mag-advance payments para sa COVID-19 vaccines na pipiliin ng FDA at ng vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez Jr., upang matiyak na ang bansa ay makakakuha ng advance supplies ng lubhang kailangang mga bakuna para labanan ang COVID-19.
Ito ang inihayag ng tagapagsalita ng palasyo na si Harry Roque, sa isang press briefing in Malacanang.
Sinabi ni Roque, na kumbinsido ang pangulo na dapat nang simulan ng Pilipinas ang pagbili ng mga bakuna, dahil nag-uunahan na ang buong mundo na magkaroon nito sapagkat nag-aagawan ang ibat ibang mga bansa na tapusin na ang paglaganap ng COVID-19 na hindi nila makontrol.
Tinukoy ni Roque ang ibang mga bansa na pinayagan na ang emergency use ng ibat ibang COVID-19 vaccines gaya ng China at Russia, at idinagdag pa na inaasahang bibigyan na rin ng Estados Unidos ng isang emergency use authorization ang bakuna na dinivelop ng Pfizer, na nag-aangking napatunayan na ang 95 percent na bisa nito batay sa clinical trials.
Ipinaliwanag din nito kung bakit sa wakas ay nakumbinse na ang pangulo na gumawa ng “advance market commitments” at “advance payments” sa private vaccine developers.
Ito aniya ay dahil sa, sa pag-uunahang makakuha ng bakuna para sa COVID-19 ay hindi dapat na mapag-iwanan ang Pilipinas.
Sinabi pa ni Roque, na noong una ay nag-aatubili pa ang pangulo ngunit nagbago ng isip nang Makita ang talaan ng mga bansang nagsagawa na ng advance payments para makakuha ng mga bakuna.
Samantala, ang FDA ay mag-iisyu rin ng emergency use authorization sa pamamagitan ng isang executive order.
May gagampanang ding malaking papel ang Department of Science and Technology (DOST) vaccine expert panel, sa pagpili ng tamang bakuna para gamitin sa Pilipinas.
Liza Flores