Early batch ng Chinese tourists dumating na sa bansa matapos na luwagan ng Tsina ang outbound travel
Lumapag na sa NAIA Terminal 1 noong Martes, Enero 24 ang Xiamen Airlines Flight MF819 na lulan ang early batch ng Chinese tourists matapos na buksan ng Tsina ang borders nito para sa international travels.
Aabot sa halos 200 Chinese visitors ang kabilang sa unang outbound travel group na nagtungo sa Pilipinas.
Sinalubong ang mga turista nina Tourism Secretary Christina Frasco at Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Nagpasalamat si Frasco sa gobyerno ng Tsina sa pagsama sa Pilipinas sa unang 20 bansa kung saan pinapayagan nito ang group tours.
Ayon sa kalihim, handang handa na ang Pilipinas para salubungin ang Chinese tourists.
Noong 2019 ay nakapagtala ang Department of Tourism (DOT) ng 1.74 million tourist arrivals mula sa Tsina na pangalawa sa pinakamaraming international visitors noon sa Pilipinas.
Sinabi ni Ambassador Huang na umaasa sila na maaabot ang nasabing bilang ng tourist arrivals ngayong maaari na muling maglakbay ang kanilang mga kababayan.
Handa naman aniya ang embahada para i-assist ang mga Chinese tourist sa Pilipinas.
Una nang lumagda ang Pilipinas at Tsina sa Implementation Program (IP) on Tourism Cooperation kasabay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China kamakailan.
Sa ilalim nito, magtutulungan ang dalawang gobyerno para mapataas pa ang tourist arrivals at sa pagresume at pagdagdag ng direct flights sa mga pangunahin at emerging destinations.
Sakop din ng programa ang kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa tourism safety na maggagarantiya sa karapatan, interes at kaligtasan ng mga turista na bumibisita.
Moira Encina