East Timor, pinayagan nang maging bahagi ng ASEAN
Nagkasundo ang Southeast Asian leaders, na pahintulutan na ang East Timor na sumama sa 10-nation ASEAN regional bloc, ayon sa pahayag na ipinalabas ng Cambodia na siyang host ng summit.
Nakasaad sa pahayag, “We the leaders of the Association of Southeast Asian Nations… agreed in principle to admit Timor-Leste to be the 11th member of ASEAN.”
Ang East Timor ang pinakabatang bansa sa Timog-silangang Asya, na nagkamit ng kalayaan mula sa Indonesia noong 2002 pagkatapos ng 24 na taong pananakop.
Sa isang summit sa Phnom Penh, ang mga pinuno ng rehiyon ay sumang-ayon na bigyan ang East Timor ng observer status at ang karapatang dumalo sa mga pulong ng ASEAN at summit session.
Bubuo ngayon ang bloc ng isang roadmap na magtatakda ng mga pamantayang dapat maabot ng East Timor, bago bigyan ng full membership.
Ang dating kolonya ng Portugal ay isa sa pinakamahirap na bansa sa mundo at nakikipagbuno sa mataas na antas ng hindi pagkakapantay-pantay, malnutrisyon at kawalan ng trabaho.
Matagal nang nangampanya si Pangulong Jose Ramos-Horta para sa pagiging miyembro ng ASEAN at unang naisumite ang aplikasyon noong 2011.
Si Ramos-Horta, na ginawaran ng Nobel Peace Prize, ay nanalo ng pangalawang termino sa panunungkulan noong Abril, na dati nang nagsilbi mula 2007 hanggang 2012.
Ang Indonesia, na pumalit sa ASEAN chair mula sa Cambodia noong 2023 ay umaasa na ang East Timor ay maaaring opisyal na makasali sa ASEAN family sa susunod na taon.
Nagsimula ang ASEAN bilang isang five-member bloc noong August 8,1967 at unti-unting lumawak, kung saan ang Cambodia ang pinakahuling naragdag noong 1999.
Ang limang bansang orihinal na miyembro nito ay ang Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore at Thailand.
© Agence France-Presse