Economic Loss posibleng pumalo sa 9.4B sa 2027
Personal na dumalo sa kauna unahang Traffic Townhall summit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr bago ang biyahe nito pa-Estados Unidos.
Ayon sa Pangulo, malalim na ang problemang hinaharap dahil lahat ay apektado ng trapiko.
60% aniya ng ekonomiya ng bansa ay apektado ng galaw sa Metro Manila.
Ayon kay Metro Manila Development Authority acting Chairman Romando Artes, mula 2019 hanggang 2023 ay tumaas pa sa 17.68% ang traffic volume sa mga lansangan ng kalakhang maynila.
Ang dahilan ng traffic congestion na ito, pagdami ng mga sasakyan.
Mula aniya sa 3.2 milyong sasakyan na dumadaan sa mga lansangan ng Metro Manila kada araw noong 2021 lumobo ito sa 3.6 milyon nitong 2023.
Sa report aniya ng Land Transportation Office, nasa 32,000 bagong sasakyan ang narerehistro sa Metro Manila kada buwan.
Sa pag-aaral ng Japan Internation Cooperation Agency, mula sa 4.9 bilyong pisong economic loss dahil sa trapik kada araw posible itong pumalo sa 9.4 bilyon sa 2027 kung walang gagawin ang gobyerno.
Sa panig ng MMDA marami na aniya silang ginagawang pag-aaral para masolusyunan ang traffic congestion lalo na sa EDSA at may mga ipinatupad narin silang pagbabago.
Sa panig naman ng Department of Public Works and Highways, sinabi ni Sec Manuel Bonoan na may mga itinatayo silang bagong daan gaya ng NLEX SLEX connector na nasa 95% completion na.
Ang townhall summit na ito ay dadalhin rin umano sa iba pang lugar sa bansa para magsagawa ng konsultasyon sa ibat ibang stakeholders
Madelyn Villar-Moratillo