Economic outlook ng ADB sa Pilipinas pinanatili sa 6%
Pinanatili ng Asian Development Bank (ADB) ang growth forecast nito sa Pilipinas bagama’t bahagyang ibinaba ang outlook nito sa kabuuan ng Southeast Asia sa harap ng mahinang global demand sa manufactured exports.
Sa latest Asian Development Outlook, sinabi ng ADB na ang economic growth forecasts nito sa PIlipinas ay nananatili sa 6.0 percent ngayong 2023 at 6.2 percent naman sa 2024.
Binigyang-pansin nito ang matatag na pamumuhunan at private consumption na nagdulot ng paglago sa unang quarter ng taon.
Lumago ng 6.4% ang ekonomiya ng Pilipinas sa unang tatlong buwan ng 2023 dahil sa mataas na aktibidad ng construction, manufacturing, financial at insurance.
Noong 2022, lumago ang ekonomiya ng bansa ng mas mabilis kaysa inaasahan sa 7.6% habang inaasahan naman ng gobyerno ang 6 hanggang 7 porsyentong paglago sa Gross Domestic Product (GDP) ngayong taon.
Para maabot ang 6 hanggang 7 porsyentong target, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na kailangang lumago ang ekonomiya sa 5.9 hanggang 7.3 percent sa susunod na tatlong quarters.
Payo naman ni ADB Country Director Pavit Ramachandran na kayang abutin ng Pilipinas ang high economic growth sa mga susunod na bansa pero kailangang matiyak nito na mas maramdaman ng nakararami o gawing inclusive ang paglago.
Nanawagan din ang ADB chief sa gobyerno ng Pilipinas na pagbutihin pa ang productivity sa agricultural sector.
Weng dela Fuente