Economic team magkakaroon ng adjustment sa economic recovery plan matapos tanggihan ni Pangulong Duterte ang MGCQ sa buong bansa
Magsasagawa ng adjustment ang economic team ng pamahalaan para sa ipapatupad na economic recovery plan matapos ibasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang isailalim na sa Modified General Community Quarantine o MGCQ ang buong bansa dahil hindi pa napasisimulan ang mass vaccination program ng pamahalaan.
Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexi Nograles na naging mahirap kay Pangulong Duterte ang desisyong huwag munang isailalim sa MGCQ ang buong bansa kasama ang Metro Manila dahil kailangang balansehin ang kapakanan ng kabuhayan at kaligtasan ng publiko sa panahon ng pandemya ng COVID 19.
Ayon kay Nograles mas prioridad ng Pangulo ang kaligtasan ng publiko kaya ibinasura ang panukalang luwagan na ang qurantine protocol sa bansa ng wala pang anti COVID 19 vaccine.
Inihayag ni Nograles suportado ng buong gabinete ang desisyon ng Pangulo na dapat dahan dahan ang pagluluwag ng quarantine protocol sa bansa kasabay ng rollout ng bakuna laban sa COVID 19.
Niliwanag ni Nograles na muling magpupulong ang Inter Agency Task Force o IATF para tukuyin at irekomenda sa Pangulo para sa kaukulang pagpapatibay kung aling lugar sa bansa ang ilalagay sa General Community Quarantine o GCQ at MGCQ.
Vic Somintac