Economic team ng pamahalaan walang nakikitang epekto sa inflation kaugnay ng nararanasang kakapusan sa suplay ng tubig
Walang nakikita ang economic team ng Administrasyon na may direktang epekto sa inflation ang kakapusan ng suplay ng tubig sa harap ng pangambang umabot na sa critical level ang antas ng tubig sa Angat Dam.
Inihayag ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino sa harap na rin ng ginagawa nilang pagtutok upang matiyak na mapo-protektahan ang domestic food supply.
Sinabi ni Lambino na nasa kalagitnaan na ng planting season ang mga magsasaka batay na rin sa pahayag ng National Water Resources Board kaya’t hindi na nangangailangan ng mas marami pang tubig para magamit sa irigasyon.
Ayon sa Finance official na tututukan ng economic team ang indirect impact na maaaring idulot ng kasalukuyang lagay ng Angat dam at handa silang magbigay ng kaukulang rekomendasyon kung kinakailangan.
Matatandaang naging malaking kontribusyon ang kakulangan ng produktong pang-agrikultura sa naitalang mataas na inflation rate nuong isang taon.
Ulat ni Vic Somintac