Ecuador, nagdeklara ng emergency kasunod ng insidente ng pamamaril sa 5 pulis
Limang pulis ang napatay, marami pa ang nasugatan at hinostage naman ang prison guards, sa pinakahuling pag-atake sa Ecuador.
Dahil dito, nagdeklara si President Guillermo Lasso ng isang state of exception at gabi-gabing curfew sa dalawang coastal provinces ng Guayas at Esmeraldas. Ang hakbang ay makatutulong sa pamahalaan upang malimitahan ang kalayaan sa pagtitipon-tipon at iba pang mga galaw.
Sinabi ng mga opisyal, na naglunsad ng siyam na pag-atake ang organized crime groups gamit ang mga eksplosibo at mga armas laban sa mga pulis at tinarget din ang oil installations, bilang tugon sa paglilipat ng mga bilanggo mula sa Guayas 1 prison.
Ang bilangguan, na nasa southwestern port city ng Guayaquil, ay isa sa mga pangunahing pinangyarihan ng prison massacres na ikinasawi ng halos 400 mga bilanggo mula noong Pebrero 2021.
Sinabi ni Interior Minister Juan Zapata, “We have had reactions of organized crime in Guayaquil and in the northwestern oil port of Esmeraldas. These included car bomb attacks and a bombing at a bus terminal.”
Ayon sa mga pulis, dalawang kasamahan nila ang namatay nang atakihin ng mga taong may mga armas ang sinasakyang patrol car ng mga ito sa Guayaquil, habang tatlo pang pulis ang binaril naman sa pantalan malapit sa siyudad ng Duran.
Sa isa namang hiwalay na pag-atake sa isang istasyon ng pulis, ay dalawang pulis ang nasaktan.
Ayon sa SNAI prison authority, sa Esmeraldas, ang siyudad kung saan natagpuan ang dalawang bangkay na walang ulo na isinabit sa isang pedestrian bridge, ay ginawang hostage ng mga bilanggo ang walong prison guards.
Sinabi ng SNAI na lahat ng bihag ay pinawalan din kalaunan, ngunit walang ibinigay na detalye sa kondisyon ng mga guwardiya.
© Agence France-Presse