Ed Sheeran, Travis Scott, at iba pa magtatanghal sa 2022 Billboard Music Awards
Inanunsiyo ng Billboard ang isang bagong set ng performers para sa kanilang paparating na awards show, kung saan kasama si Ed Sheeran at Travis Scott sa performance lineup.
Si Ed Sheeran ay lalahok sa 2022 Billboard Music Awards (BBMA) para sa isang remote performance mula sa Belfast, Northern Ireland, kung saan nasa kalagitnaan siya ng kaniyang + – = ÷ x stadium tour – ang bigkas ay “The Mathematics Tour.”
Ang 31-anyos na si Sheeran ay nominado para sa siyam na awards, kabilang ang Top Male Artist, Top Song Sales Artist, Top Radio Songs Artist at Top Billboard Global 200 Artist.
Magpe-perform naman si Travis Scott sa kaniyang unang awards show mula nang mangyari ang Astroworld tragedy, may anim na buwan na ang nakalilipas sa Houston. Ang remix ng awitin ng rapper na “Goosebumps” ay finalist para sa Top Dance/Electronic Song.
Bukod sa dalawang nabanggit, si Miranda Lambert, Becky G at Elle King ay kasama rin sa list of performers ngayong taon na kinabibilangan ng headliner na si Megan Thee Stallion, Morgan Wallen, Red Hot Chili Peppers, Florence + The Machine at iba pa.
Ito ang magiging performance debut ng 25-anyos na si Becky G sa awards show mula sa Xfinity stage. Si Lambert ay isang finalist para sa Top Country Female Artist, at si King ay magpe-perform kasama si Lambert para sa kanilang collaboration na “Drunk (And I Don’t Wanna Go Home),” na nominado para sa Top Rock Song.
Si Lambert, King at Scott ay magpe-performe mula sa MGM Grand sa panahon ng awards night.
Ang BBMAs — na nagpaparangal sa mga nangungunang artista ng taon sa Billboard chart sa 62 kategorya sa iba’t ibang genre — ay nakatakdang maganap sa Linggo sa MGM Grand Garden Arena ng Las Vegas.
Nakatakdang i-host ni Sean “Diddy” Combs ang kaganapan, kung saan nangunguna ang The Weeknd sa listahan ng mga finalist na may kabuuang 17 nominasyon.
Si Mary J. Blige ay napili para makatanggap ng Icon Award sa seremonya ngayong taon, habang si Mari Copeny naman ay bibigyan ng ikatlong taunang Changemaker Award.