Ed Sheeran wagi sa copyright trial para sa kaniyang hit na ‘Shape of You’
Iginawad ng isang hukom sa mataas na hukuman ng London kay Ed Sheeran at kapwa songwriters nito, ang higit sa £900,000 bilang legal costs makaraang manalo sa isang copyright trial kaugnay ng kaniyang hit song na “Shape of You.”
Ang 31-taong-gulang na si Sheeran ay kinasuhan sa korte at inakusahan ng pagkopya ng isang parirala mula sa British grime track na “Oh Why” noong isinusulat ang awiting naging isang worldwide hit.
Subali’t ipinasya ni judge Antony Zacaroli noong Abril ngayong taon, makalipas ang 11-araw na paglilitis na walang ginawang pangongopya si Sheeran, sinadya man ito o hindi.
Nitong Miyerkoles, sinabi ng hukom na dapat bayaran ng mga nag-aakusa na sina Sami Chokri at Ross O’Donoghue ang legal costs.
Ipinag-utos niya ang pagbabayad ng £916,200 ($1.1 million) kay Sheeran.
Malugod namang tinanggap ng singer ang pasya nguni’t sinabing ang “walang basehang” copyright claim ay nakasisira sa “songwriting industry.”
© Agence France-Presse