Educational subsidy ng GSIS, umabot na sa P100M
Sinabi ng Government Service Insurance System (GSIS), na umabot na sa 100 milyong piso ang naipalabas nilang educational subsidy sa 10 libong kaanak ng kanilang mga miyembro, para pantulong sa college expenses ng mga ito sa academic year 2021-2022.
Bawat estudyante ay tumanggap ng sampung libong piso.
Ayon kay GSIS President at General Manager Rolando Ledesma, ngayong may pandemya ay malaking tulong ang P10,000 educational subsidy sa kanilang mga miyembrong may anak o dependents na nasa kolehiyo.
Ayon kay Ledesma, umabot sa 15,770 ang qualified applicants nguni’t pumili lamang sila ng 10,000 grantees na lubhang nangangailangan.
Sa kabuuan aniya ay umabot sa 17,300 ang tinanggap nilang aplikasyon sa buong bansa.
Kabilang sa mga napili ang 1,581 mula sa National Capital Region; 1,994 mula sa North Luzon; 2,093 mula sa South Luzon; 2,078 mula sa Visayas; at 2,254 mula sa Mindanao.
Ang subsidy ay ibinibigay kapag nakumpleto na ang requirements na hinihingi ng GSIS.