Eiffel Tower, apat na araw nang sarado dahil sa welga ng staff
Apat na araw nang sarado ang Eiffel Tower sa France, dahil sa nagpapatuloy na welga ng mga empleyado nito ayon sa unyon.
Ang naturang welga sa isa pinakasikat na tourist site sa mundo, ay ikalawa na sa loob ng dalawang buwan bilang protesta sa sinasabi ng unyon na “insufficient investment.”
Kaugnay nito ay pinayuhan ng SETE, ang operator ng tower ang ticket holders na silipin muna ang kanilang website bago magtungo sa lugar, o kaya ay ipagpaliban muna ang kanilang pagbisita. Ang e-ticket holders naman ay pinayuhang tingnan ang kanilang e-mails para sa dagdag na mga impormasyon.
Sinabi ng operator na ibabalik ang ibinayad ng ticket holders.
Binatikos ng mga unyon ang SETE dahil sa pagbabase ng kanilang business model sa anila’y isang ‘inflated estimate’ ng ‘future visitor numbers,’ habang underestimated naman ang repair at maintenance costs.
Nanawagan din ang mga unyon sa lungsod ng Paris, “be reasonable with our financial demands to ensure the survival of the monument and the company operating it.”
Reklamo nila, masyadong mataas ang sinisingil ng city hall na leasing fee sa operator ng Eiffel Tower, kaya wala nang magamit para sa kinakailangang ‘maintenance work.”
Sa panahon ng Covid-19 pandemic noong 2020 at 2021, humigit-kumulang sa 120 million euros o $130 million ang nawala sa booking ng Eiffel Tower.
Simula noon ang operator ay tumanggap ng recapitalisation na nagkakahalaga ng 60 million euros, na ayon sa unyon ay hindi sapat kung pag-uusapan ang kinakailangang maintenance work, kabilang na ang bagong pagpipintura.
Malaki ang ibinagsak sa bilang ng mga bumibisita sa Eiffel Tower sa panahon ng pandemya dahil na rin sa border closures at travel restrictions, ngunit nakabawi naman ng 5.9 million noong 2022 at 6.3 million noong 2023.