EJ Obiena nag-qualify sa finals ng World Athletics Championship
Nag-qualify ang Philippine pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena para sa finals ng 2022 World Athletics Championship ngayong Sabado, July 23, kung saan binuhay nito ang pag-asang muling makakuha ng ginto ang Pilipinas.
Ang kumpetisyon na ginanap sa Oregon, United States, ay nilahukan din ng top pole vaulters sa mundo kabilang ang Olympics champion na si Armand Duplantis ng Sweden.
Ang 26-anyos na Pinoy na lumaban din sa Tokyo Olympics ay nakagawa ng 5.75 meter mark sa dalawang attempts, kaya’t naging isa siya sa 12 pole vaulters na lalaban sa finals ng World championship na nakatakdang idaos bukas, Linggo, July 24 (Lunes, July 25, Manila time).
Si EJ lamang din ang tanging Asyano na nakarating sa finals. Ang iba pang finalists ay si Duplantis ng Sweden, Chris Nilsen ng United States, Oleg Zernikel ng Germany, at Thiago Braz ng Brazil na kabilang din sa finalists sa Tokyo 2020 Olympics.