El Salvador, ipinagluluksa ang 12 nasawi sa stampede sa isang soccer stadium
Alianza’s supporters pay their respects to the victims of a stampede at a makeshift memorial outside Cuscatlan stadium in San Salvador on May 21, 2023. El Salvador was in shock on May 21, 2023 after 12 people died and hundreds were injured in a stampede at a soccer stadium, as the country’s president vowed an investigation. (Photo by MARVIN RECINOS / AFP)
Nagluluksa ang soccer fans ng El Salvador, matapos mamatay ang 12 katao at daan-daan ang nasugatan sa stampede sa isang stadium.
Sinabi ng mga awtoridad na itinuturo ng mga paunang ulat ang dagsa ng fans na nagtangkang pumasok sa 35,000-seat na Cuscatlan Stadium sa San Salvador na kabisera ng Central American country, upang manood ng laro sa pagitan ng dalawang lokal na koponan, ang Alianza at FAS.
Nasuspinde ang laban habang inililikas ng emergency personnel ang mga tao mula sa stadium, kung saan nagtipon ang daan-daang mga opisyal ng pulisya at sundalo sa gitna ng alingawngaw ng sirena ng mga ambulansiya.
Ayon kay Carlos Fuentes, tagapagsalita para sa emergency services group na Comandos de Salvamento, mahigit sa 500 katao na nagtamo ng iba’t ibang injuries ang kanilang ginamot, habang sinabi naman ng civil protection authorities na sa kabuuan ay 88 katao ang na-ospital.
Sinabi ni Fuentes, na nagsimula ang stampede nang bumigay ang gate ng stadium na naging sanhi upang magkasiksikan ang mga tao.
Nagsimula ang stampede 10 minuto ng laro at matapos itong masuspinde, kung saan maging ang mga manlalaro ay tumulong na rin sa pagkukumahog na makapagligtas ng buhay.
Fans invade the pitch following a stampede during a football match between Alianza and FAS at Cuscatlan stadium in San Salvador on May 20, 2023. (Photo by Gabriel AQUINO / AFP)
Sinabi ni El Salvador President Nayib Bukele, na iimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at parurusahan ang mga responsable.
Sa kaniyang Twitter post, “Everyone will be investigated: teams, managers, stadium, box office, league, federation,” at nagbanta, “whoever the culprits are, they will not go unpunished.”
Sa kanila namang pahayag ay sinabi ng Salvadoran Football Federation (Fesfut), “We deeply regrets the events that occurred at the stadium. Fesfut will immediately request a report of what happened and will communicate the relevant information as soon as possible.”
Nagpahayag din sila ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga namatay at naapektuhan ng trahedya.
Dahil sa insidente, sinabi ng pederasyon na lahat ng soccer sa national level ay sususpendihin muna.
Nagpaabot na rin ng kaniyang pakikiramay ang hepe ng world soccer body na FIFA, matapos ang insidente.
Ang trahedya ay nangyari pitong buwan makaraang masawi rin ang 135 katao, kabilang ang higit sa 40 mga bata sa nangyaring stampede kasunod ng isang football match sa Malang, Indonesia.