Eleksyon sa May 2022 tuloy kahit may pandemya – COMELEC
Tiniyak ng Commission on Elections na kahit umabot pa hanggang Mayo ng susunod na taon ang nararanasan nating COVID-19 pandemic tuloy ang May 2022 elections.
Ayon kay Comelec Chairman Sheriff Abas, hindi makakahadlang ang COVID-19 pandemic para hindi matuloy ang halalan sa 2022.
Pero dahil iba ang eleksyon ngayon dahil sa pandemya, mas maraming kailangang ikunsidera ang Comelec lalo na pagdating sa aspeto ng seguridad.
Nilinaw naman ni Abas na para sa May 2022 elections ay automated parin ang magiging sistema ng halalan.
Mistula namang magsisilbing dry run ng 2022 elections ang gagawing plebisito sa Marso 13 para sa paghahati ng Palawan.
Layon ng plebisito na ito na malaman kung payag ba ang mga residente na hatiin sa 3 ang kanilang lalawigan at magkaroon ng Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur.
Tinatayang nasa 490 639 botante ang inaasahang lalahok sa plebisito.
Maliban naman sa election materials, may anti COVID-19 supplies din na ipapadala ang Comelec sa Palawan.
Tiniyak naman ng poll body ang mahigpit na health protocols na ipapatupad sa gagawing plebisito.
Magtatayo rin sila ng isolation polling places para sa mga botante na may body temperature na 37.5 degrees celsius o mas mataas pa.
Paalala naman ng Comelec sa mga lalahok sa plebisito na huwag kalimutang magsuot ng face mask.
Mas makabubuti rin anila kung magsusuot ng face shield bilang karagdagang proteksyon.
Madz Moratillo