Emmy Awards, apat na buwan pang maaantala
Halos apat na buwan pang maaantala ang Emmy Awards dahil na rin sa nagpapatuloy na welga ng mga artista at manunulat ng hollywood.
Ayon sa organizers, ang Emmy Awards na katumbas ng Oscars sa telebisyon na karaniwang idinaraos tuwing Setyembre, ay gaganapin na sa kalagitnaan ng Enero ng susunod na taon.
Sinabi ng isang tagapagsalita ng Fox, “We are pleased to announce that the 75th Emmy Awards will now air on Monday, January 15, 2024.”
Ang Emmys ang pinaka makabuluhang entertainment event sa ngayon na naantala ng unang Hollywood industry-wide walkout ng kapwa mga artista at manunulat sa mahigit 60 taon.
Ang huling pagkakataon na naantala ang Emmys ay noong 2001, nang ipagpaliban ang seremonya dahil sa 9/11 attacks.
Dahil sa nagpapatuloy na welga ng mga artista at manunulat, ang A-list stars at mga nominado ay hindi papayagng dumalo sa Emmys, habang ang mga manunulat ay hindi rin papayagang sumulat ng isang monologue o mga joke para sa host at presenters.
Ang mahabang pagkaantala ay inilaan upang bigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na lutasin ang hindi pagkakaunawaan.
Robyn Beck /AFP
Ang iba’t ibang partido ay ni hindi halos nagkaroon ng mga pag-uusap sa anumang formal channels mula nang mag-umpisa ang welga ng mga manunulat 100 araw na ang nakalipas.
Ang mga negosyador ng Writers Guild of America (WGA) ay nakatakdang bumalik sa pakikipag-usap sa mga studio nitong Biyernes.
Sinimulan naman ng mas malaking Screen Actors Guild (SAG-AFTRA) ang kanilang welga noong isang buwan, at hindi pa sila muling nakikipag-usap sa mga studio.
Ang dalawang unyon ay kapwa humihingi ng mas magandang bayad, at mga garantiya na hindi maaagaw ng artificial intelligence ang kanilang mga trabaho at kita bukod sa iba pang mga demand.
Dahil mid-January gaganapin ang Emmys, kaya’t halos mapapagitna ito sa Hollywood film awards season.
Ang Emmys na nakatakda sanang ganapin sa Martin Luther King, Jr., Day, na isang US federal holiday, ay gagawin na isang linggo bago ang Golden Globes sa enero, halos 24 na oras lamang ang pagitan pagkatapos naman ng Critics Choice Awards.
Ang mga nominasyon para sa Oscars ay i-aanunsyo naman makalipas ang isang linggo, kasama ang seremonya ng Academy Awards na nakatakda sa Marso 10.
Ang mga miyembro ng SAG-AFTRA at WGA ay pinagbawalang mag-promote ng kanilang mga pelikula at serye.
An Emmy Award statue is seen during the 70th Emmy Awards Nominations Announcement at Saban Media Center on July 12, 2018 in North Hollywood, California. Matt Winkelmeyer/Getty Images/AFP
Matt Winkelmeyer / GETTY IMAGES NORTH AMERICA / Getty Images via AFP
Sinasabi ng mga manunulat at artista, na nababawasan ng malaki ang kanilang kita kapag naging “global hits” ang kanilang mga palabas, dahil sa paglago ng streaming platforms na sa pangkalahatan ay hindi naman ibinubunyag ang dami ng mga nanonood sa kanila.
Samantala, ang mga nominasyon para sa 75th Primetime Emmy Awards ay inanunsyo noong nakaraang buwan, ilang oras lamang bago natigil matapos mabigo ang pag-uusap sa pagitan ng mga studio at ng SAG-AFTRA.
Ang “Succession,” na isang HBO drama tungkol sa napakayamang pamilya na naglalaban-laban para ma-kontrol ang isang media empire, ang nanguna matapos makakuha ng 27.
Ang “The Last of Us” naman ang naging unang live-action video game adaptation na nakakuha ng major nominations, na may 24, habang ang satire na “The White Lotus” ay nakakuha ng 23 nominasyon.