Employers na hindi magre-rehire ng OFWs na sinibak nang mahawahan ng COVID-19, ire-report ng Pilipinas sa HK gov’t
Ire-report ng Pilipinas sa Hong Kong Authorities ang Hong Kong employers na hindi na muling tatanggapin ang sinibak nilang overseas Filipino workers (OFWs), na nagpositibo sa COVID-19.
Sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Hans Cacdac, na ang pagsibak sa mga Pinoy ay ilegal sa ilalim ng batas ng Hong Kong dahil hindi puwedeng i-terminate ang mga ito kasi puwede naman mag-SL (sick leave), o di kaya ay makabalik kapag sila ay gumaling na.
Sa ngayon, 76 na mga Filipino sa Hong Kong ang nagpositibo sa COVID-19.
Samantala, hindi pa nire-rehire ng ilang employers ang kanilang Filipino employees na pinaalis matapos mahawahan ng virus.
Nagpahayag naman ng pag-asa si Cacdac, na kalaunan ay ire-rehire din ng natitira pang employers ang OFWs.
Aniya . . . “Kailangan lang siguro ipaliwanag sa Hong Kong employers itong sitwasyon na ito at in fairness, marami naman sa kanila ang nakukumbinsi na tanggapin muli ang ating OFWs.”
Ang Hong Kong ay dumaranas ngayon ng pagbugso sa mga kaso ng COVID-19 dahil sa Omicron, na ika-5 na nilang wave mula nang magsimula ang pandemya.