Employers sa Hong Kong na magsisibak ng Filipino workers na nagkaroon ng Covid-19, papananagutin
Papananagutin ng Philippine Consulate General sa Hong Kong, ang employers na magsisibak sa mga Filipino workers na nagpositibo sa COVID-19, sa harap ito ng pagtaas ng kaso sa nasabing bansa.
Sinabi ni Consul General Raly Tejada, na iba-blacklist ng Pilipinas ang employers na magsisibak sa kanilang mga manggagawang Pinoy na nahawa ng Covid-19.
Ayon kay Tejada, mananagot ang mga employers na magsisibak ng mga nagkakasakit na Pinoy workers dahil labag iyon sa batas ng Hong Kong.
Aniya, ang employers pa nga ang may resposibilidad na magpagamot sa kanilang empleyado kapag nagkasakit ang mga ito.
Sinabi pa ni Tejada, na kapag napatunayang guilty ang isang employer sa pagsibak sa kaniyang empleyado na nagkaroon ng Covid-19, ay maaari itong pagmultahin o maparusahan dahil nakikipag-ugnayan na siya sa Hong Kong labor office.
Kung pipiliin naman aniya ng employee na bumalik sa kaniyang employer, ay hindi nila ito pipigilan.
Sa ngayon, ang Hong Kong ay dumaranas ng Covid-19 outbreak, na dulot ng lubhang nakahahawang Omicron variant.