England nagtatayo ng temporary hospitals
Nagtatayo ng temporary hospitals ang England upang makaagapay sa tumataas na mga kaso ng coronavirus, habang nagpalabas naman ng babala si Prime Minister Boris Johnson sa mga hindi pa bakunado.
Sinabi ng mga opisyal, na ang bagong “surge hubs” ang haharap sa inaasahang overspill ng mga pasyente, ngayong biglang tumaas ang bilang ng mga kaso.
Dulot ng lubhang nakahahawang Omicron variant, lumobo ang arawang kaso sa higit sa 189,000 nitong Huwebes.
Ayon kay Johnson . . . “I wanted to speak directly to all those who have yet to get fully vaccinated. The people who think the disease can’t hurt them. Look at the people going into hospital now, that could be you. Look at the intensive care units and the miserable, needless suffering of those who did not get their booster, that could be you.”
Tiniyak naman ng National Health Service (NHS) England, na magkakaloob sila ng dagdag na hospital beds sa temporary hospitals na itatayo sa grounds ng walong pagamutan sa mga siyudad kabilang ang London, Bristol at Leeds simula ngayong linggo, na ang bawat isa ay nakadisenyo para sa nasa 100 extra patients.
Sa labas ng St George Hospital sa Tooting sa south London, nagtatayo na ng metal framework ang mga trabahador para pangsuporta sa bubong ng bagong unit.
Ayon kay National Medical Director Stephen Powis . . . “Given the high level of Covid-19 infections and increasing hospital admissions, the NHS is now on a war footing. I hope we never to have to use these new hubs.”
Ang extra beds ay laan para sa mga pasyenteng nagpapagaling na, kabilang yaong wala nang Covid para magkaroon ng kinakailangang espasyo at staff sa main hospitals upang gamutin ang malaking bilang ng virus cases.
Ang UK ang isa sa pinakatinamaan ng virus sa Europe, kung saan higit 148,000 ang namatay.