Enhanced Nutriban, Kalabasa Noon, Carrots naman ngayon!

logo

Natatandaan ba ninyo ang Enhanced Nutribun na inilunsad ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute o DOST-FNRI noong Hulyo 2020?

Taong 2020 noong ibinalik ng DOST-FNRI ang tinapay na sumikat noong 1970s.

Sinabi ni Engr. Charlie Adona, Senior Science Research Specialist, Food and Development Corporation, DOST- FNRI na isa sa mga nakitang pagkakataon ng DOST-FNRI ang pagdevelop ng nutribun upang makatulong na matugunan ang malnutrisyon ng mga batang Pilipino, lalo na sa panahon ng pandemya, na kung saan ang community-based at school-based feeding programs ay nahinto.

Ayon kay Engr. Adona na ang unang enhanced na idinevelop ng FNRI ay ginamit ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga feeding programs kasabay ng nararanasang pandemya.

Isa sa mga pangunahing sangkap ng Enhanced Nutribun ay ang purée o dinurog at minasang kalabasa.

Sinabi ni Engr. Adona na pinagaralan ng DOST-FNRI ang tamang proseso ng paggamit ng kalabasa sa paggawa ng mga teknolohiya para sa nutribun.

Mayaman sa bitamina A ang kalabasa na may malaking naitutulong upang mapalakas ang immune system.

Bukod dito, mabisang pampalinaw ng mga mata at pampaganda ng kutis ang kalabasa.

Ayon kay Engr. Adona, sa dami ng nangangailangan ng supply ng Enhanced Nutribun, dumami rin ang demand ng kalabasa sa ilang rehiyon sa Pilipinas.

Isa pang problema ay kung hindi harvest season, bumababa ang supply at tumataas ang presyo nito, dahilan para gumawa ang DOST-FNRI ng panibagong pormulasyon gamit ang iba pang agricultural product.

Dahil dito, pinag-aralan ng DOST-FNRI ang paggamit ng carrots bilang pagpipilian sangkap sa kalabasa habang pinapanatili ang sustansiyang taglay na ipinagmamalaki ng Enhanced Nutribun.

Sinabi pa ni Engr. Adona na ang bagong variant ng Enhanced Nutribun ay sinikap na idevelop ng kanilang ahensya upang magkaroon ng ibang kasing sustansiya at kasing sarap ng squash enhanced nutribun na maibibigay sa mga bata lalo na sa mga kulang sa timbang o stunted children.

Ayon kay Engr. Adona, ang isang piraso ng bun ay may timbang na 160 gramo.

Kung ang bun ay nakalagay sa polyethylene plastic, ito ay tatagal ng limang araw sa normal na temperatura.

Sinabi pa ni Engr. Adona na ang isang serving ng Enhanced Nutribun with Carrots ay nagtataglay ng 500 kilocalories, 18 gramo ng protina, 6 miligramo ng iron at 350 micrograms ng bitamina A.

Ito ay tutugon sa 31% ng enerhiya, 59% ng protina, 60% ng iron at 90% ng bitamina A, base sa nirerekomendang energy at nutrient intake ng Philippine Dietary Reference Intake ng DOST-FNRI ng mga batang lalaki anim hanggang siyam na taong gulang.

Bukod sa mga nabanggit na taglay na sustansiya ng Enhanced Nutribun with Carrots, ito ay zero trans – fatty acids o trans fats at walang cholesterol katulad ng squash enhanced nutribun.

Enhanced Nutribun, sa bawat kagat, nutrisyon ay sapat!

Please follow and like us: