Enrollees para sa school year 2022-2023, umabot sa 29.4M –DepEd
Lumagpas na sa target ng Department of Education (DepEd) ang bilang ng enrollees para sa school year 2022 to 2023.
Sinabi ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa na batay sa pinakahuling datos nila nitong Agosto 25 ay umabot na sa 29.4 million ang mga nag-enrol na estudyante ngayong taon.
Sobra na aniya ito sa target ng kagawaran na 28.6 million enrollees.
Inihayag pa ni Poa na nanatiling maayos ang naging pagbubukas ng klase.
Pero, aminado ang opisyal na marami pa ring kulang na silid-aralan, istruktura, at iba pang kagamitan.
Tiniyak ni Poa na patuloy itong tutugunan ng DepEd sa pakikipagtulungan sa mga LGU at ibang ahensya ng pamahalaan.
Samantala, inihayag ni Poa na wala pang ulat na mga estudyante na nagpositibo sa sakit mula nang magbukas ang klase.
Maging sa hanay aniya ng ng mga teaching at non-teaching personnel ng DepEd ay walang report na nahawahan ng sakit.
Gayunman, hindi aniya magpapakampante ang DepEd.
Patuloy aniyang babantayan ng DepEd ang sitwasyon sa mga eskuwelahan at aalamin kung may transmission ng sakit.
Moira Encina