Epekto ng Covid-19 sa ekonomiya ng bansa naagapan – BSP
Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na naging maagap ang kanilang ginawang interventions kaya nabawasan ang epekto ng covid 19 pandemic sa ekonomiya ng bansa.
Sa Laging Handa press briefing sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno dahil sa krisis na idinulot ng covid 19 natakot ang mga tao na gumastos o maglabas ng pera habang nagsara din ang mga negosyo bunsod ng ipinatupad na community lockdown.
Ayon kay Diokno dahil sa lockdown nagkaroon ng problema ng liquidity o pag-ikot ng cash sa merkado. Inihayag ni Diokno ang unang ginawa ng kanyang tanggapan ay nag-cut o binawasan ng dalawang porsyento ang reserve requirement o ang bahagi ng deposito ng mga bangko na dapat ilagak sa BSP.
Niliwanag ni Diokno bawat porsyento na ibinawas sa reserve requirement ay nagpapasok ang BSP ng 100 billion pesos sa financial system para may iikot na pera o cash.
Idinagdag ni Diokno na nag-cut din ang BSP ng interest rates para matulungan ang mga bangko.
Binigyang diin ni Diokno sa kabuuan nakapag-release na ang BSP ng 1.5 trillion pesos para mapalakas ang liquidity o cash flow sa ekonomiya ng bansa para maiwasang tumigil ang mga economic activities sa kabila ng lockdown at quarantine protocols.
Vic Somintac