‘Equalizer 3’ nanguna sa N.America box office sa isang malaking summer finale
Nanguna sa North American box office ang “The Equalizer 3” ng Sony na pinagbibidahan ng fan favorite na si Denzel Washington.
Ang vigilante action film, na siyang huli sa “Equalizer” trilogy, ay kumita ng tinatayang $34.5 million para sa Friday-through-Sunday period at $42 million makaraan ang Monday, Labor Day forecast sa US at Canada.
Sa pelikula na kinatatampukan din ni Dakota Fanning, ay muling ginampanan ni Washington ang isang retiradong US Marine at drug-enforcement agent, at sa pagkakataong ito ay katunggali niya ang isang gang sa southern Italy.
Nalaglag naman sa ikalawang puwesto ang “Barbie,” na ang tinatayang kabuuang kinita ay $10.6 million para sa tatlong araw at $13.3 million para sa apat na araw. Ang pelikula ng Warner Bros. ay mayroon na ngayong kabuuang $612 milyong domestic earnings, ang ika-14 na pelikulang lumampas sa $600 million mark.
Nasa ikatlong puwesto naman para sa dalawang magkasunod na linggo ang DC superhero film na “Blue Beetle,” na kumita ng $7.3 million para sa tatlong araw at $6.5 million para sa apat na araw. Si Xolo Mariduena ang gumaganap bilang Beetle.
Bumagsak sa pang-apat na puwesto matapos manguna noong nakaraang linggo ang “Gran Turismo” ng Sony, na ang tinatayang kita ay $6.6 million para sa tatlong araw at $8.5 para sa apat na araw.
Ang “Gran Turismo” na pinagbibidahan nina David Harbour at Orlando Bloom ay tungkol sa video gamers na nag-training upang maging mga tunay na race car drivers.
Gaya ng “Barbie,” matatag pa rin sa ika-limang puwesto sa loob ng pitong sunod na linggo ang “Oppenheimer.” Ang atom bomb origin story ni Christopher Nolan ay tinatayang kumita ng $5.5 million sa loob ng tatlong araw at $7.5 million sa apat na araw.
Sa pangkalahatan, ang kinita ng mga pelikula nitong weekend ay sapat upang itulak ang summer box office ng lampas sa $4 billion, kauna-unahan sa post-pandemic era at malaking progreso mula sa kita ng nakaraang summer na $3.4 billion.
Sinabi ng analyst na si David Gross, “That’s a fantastic result and another positive step for the industry.”
Nasa pang-anim hanggang pang-sampung puwesto naman ang sumusunod na mga pelikula:
“Teenage Mutant Ninja Turtles: Mutant Mayhem” ($4.8 million for three days; $6.3 million for four)
“Bottoms” ($3 million; $3.6 million)
“Meg 2: The Trench” ($2.9 million; $3.7 million)
“Strays” ($2.5 million; $3.3 million)
“Talk to Me” ($1.8 million; $2.2 million)